Ang Istrukturang Panlipunan at Kultura


Resulta ng larawan para sa panlipunang istrakturaIpagpalagay na ang lipunan ay tulad ng isang barya na may dalawang mukha: ang isang mukha ay tumutukoy sa mga istruktura ng lipunan at ang isa naman ay tumutukoy sa kultura.  Bagama’t ang dalawang mukha ay magkaiba at may kani-kaniyang katangian, mahalaga ang mga ito at hindi maaaring paghiwalayin tulad na lamang kapag pinag-uusapan ang lipunan.

Mga Elemento ng Istrukturang Panlipunan

Ang mga elemento ng istrukturang panlipunan ay ang institusyon, social groups, status (social status), at gampanin (roles).

Institusyon

 Ang lipunan ay binubuo ng mga institusyon.Ang institusyon ay organisadong sistema ng ugnayan sa isang lipunan. (Mooney, 2011). Isipin halimbawa ang isang pangkaraniwang araw. Magsisimula ito sa paghahanda ng mga miyembro ng pamilya para sa kani-kaniyang mga gawain.  Ang pamilya ay isa sa mga institusyong panlipunan, dito unang nahuhubog ang pagkatao ng isang nilalang.  Mula sa tahanan, maaaring ang ibang miyembro ng pamilya ay magtungo sa paaralan samantalang ang iba naman sa kanila aymagtatrabaho o kaya ay mamimili ng kanilang pangangailangan.  Tulad ng pamilya, ang paaralan ay nagdudulot ng karunungan, nagpapaunlad ng kakayahan, at patuloy na naghuhubog sa isang tao upang maging kapakipakinabang na mamamayan, isa rin itong institusyong panlipunan.  Samantala, ang mga taong nagtatrabaho at kumokonsumo ng produkto ay bahagi ng isa pang instituyong panlipunan – ang ekonomiya.  Mahalaga ang ekonomiya sa lipunan dahil pinag-aaralan dito kung paano matutugunan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan.  Mula sa tahanan hanggang sa mga lugar na patutunguhan maaaring may makasalubong kang traffic aide, may madaanang mga tulay o kaya ay mainip dahil sa abala na dulot ng ginagawang kalsada.  Maaaring may makita ka ring mga anunsyo ng mga programang pangkalusugan at pangkalinisan.  Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga tungkulin ng pamahalaan na isa ring institusyong panlipunan.  Sa pagtupad mo sa iyong pang-araw-araw na tungkulin, naghahangad ka ng kaligtasan, nagdarasal ka na maging tagumpay ang iyong mga gawain, at maging ligtas ang iyong mga mahal sa buhay.  Lahat ng ito ay ginagawa natin dahil sa ating pananampalataya.  Ang usapin ng pananampalataya ay bahagi ng relihiyon na isa rin sa mga institusyong panlipunan.  Ang pamilya, relihiyon, edukasyon, ekonomiya, at pamahalaan ang itinuturing na mga institusyong panlipunan.


Social Group

 Ang mga institusyong panlipunan ay binubuo naman ng mga social group.  Tumutukoy ang social group sa dalawa o higit pang taong may magkakatulad na katangian na nagkakaroon ng ugnayan sa bawat isa at bumubuo ng isang ugnayang panlipunan.  May dalawang uri ng social group: ang primary group at secondary group. (Mooney, 2011). Angprimary group ay tumutukoy sa malapit at impormal na ugnayan ng mga indibiduwal. Kadalasan, ito ay mayroon lamang maliit na bilang.  Halimbawa nito ay ang pamilya at kaibigan.Sa kabilang banda, ang secondary group ay binubuo ng mga indibiduwal na may pormal na ugnayan sa isa’t isa.  Karaniwang nakatuon sa pagtupad sa isang gawain ang ganitong uri ng ugnayang panlipunan.  Isang halimbawa nito ay ang ugnayan sa pagitan ng amo at ng kaniyang manggagawa, gayundin ang ugnayan ng mga manggagawa sa isa’t isa.
 Nagkakaroon ng hindi magandang ugnayan ang mga bumubuo sa isang social group na nagdudulot ng ilang isyu at hamong panlipunan.  Halimbawa ang malawakang pagwewelga ng ilang manggagawa ay isang isyung panlipunan na dulot ng pagkakaroon ng hindi magandang ugnayan ng mga manggagawa at may-ari ng kumpanya.

 Kung ang mga institusyong panlipunan ay binubuo ng mga social groups, ang mga social groups naman ay binubuo ng iba’t ibang status.  Ang status ay tumutukoy sa posisyong kinabibilangan ng isang indibiduwal sa lipunan.  Ang ating pagkakakilanlan o identidad ay naiimpluwensiyahan ng ating status.  May dalawang uri ng status: ito ay ang ascribed status at achieved status . 

Gampanin (Roles)

 May posisyon ang bawat indibiduwal sa loob ng isang social group.  Ang bawat posisyon ay may kaakibat na gampanin o roles.  Tumutukoy ang mga gampaning ito sa mga karapatan, obligasyon, at mga inaasahan ng lipunan na kaakibat ng posisyon ng indibiduwal.  Sinasabing ang mga gampaning ito ang nagiging batayan din ng kilos ng isang tao sa lipunang kanyang ginagalawan.  Halimbawa, bilang isang mag-aaral inaasahang gagampanan mo ang mga tungkulin ng isang mabuting mag-aaral at inaasahan mo rin na gagampanan ng iyong guro ang kaniyang mga tungkulin tulad ng pagtuturo nang mahusay at pagbibigay ng pagsusulit sa klase.
 Ang hindi pagganap sa mga inaasahang gampanin ng isang indibiduwal o isang grupo ay maaaring magdulot ng ilang isyu at hamong panlipunan.  Halimbawa, ang isang mamamayan ay may tungkuling dapat gampanan sa lipunan.  Kung ito ay hindi magagampanan nang maayos, magdudulot ito ng ilang isyu at hamong panlipunan.   Tungkulin ng mga mamamayan na sumunod sa batas ng pagtatapon ng basura.  Ang hindi pagsunod sa batas na ito ay makapagdudulot ng ilang mga suliraning pangkapaligiran tulad ng polusyon na banta sa kalusugan ng mga mamamayan.  
 May mga pagbabago rin sa lipunan na magdudulot ng pagbabago sa roles ng bawat isa.  Isang magandang halimbawa nito ang pagkakaroon ng mga househusband sa kasalukuyan.  Ito ay mga asawang lalaki na siyang gumagawa ng mga gawain sa loob ng tahanan habang ang kaniyang asawang babae ang naghahanapbuhay.  Marami ring pagkakataon na ang asawang lalaki at asawang babae ay kinakailangang parehong magtrabaho upang matugunan ang pangangailangan ng pamilya.   Makikita sa ganitong sitwasyon ang pagbabago ng gampanin ng mga kalalakihan at kababaihan bilang tugon sa nagbabagong panahon.    
Previous
Previous

Katuturan ng Kultura

Next
Next

Record Keeping and Cost Analysis, Agri-crop