Katuturan ng Kultura

Resulta ng larawan para sa katuturan ng kultura
 Sa pag-aaral ng lipunan, mahalagang pagtuunan din ng pansin ang kultura. Ayon kina Andersen at Taylor (2007),ang kultura ay isang kumplikadong sistema ng ugnayan na nagbibigay-kahulugan sa paraan ng pamumuhay ng isang grupong panlipunan o isang lipunan sa kabuuan.  Sa isang lipunan, binibigyang-katwiran ng kultura ang maganda sa hindi, ang tama sa mali at ang mabuti sa masama.
 Pinatutunayan din ni Panopio (2007) ang naunang kahulugan ng kultura sa pamamagitan ng pagsasabing “ito ang kabuuang konseptong sangkap sa pamumuhay ng mga tao, ang batayan ng kilos at gawi, at ang kabuuang gawain ng tao”. 

 Ayon naman kayMooney (2011), ang kultura ay tumutukoy sa kahulugan at paraan ng pamumuhay na naglalarawan sa isang lipunan.  Samakatuwid ang ginagawa natin sa ating pang-araw-araw na pamumuhay mula paggising hanggang bago matulog ay bahagi ng ating kultura.  May dalawang uri ang kultura.  Ito ay ang materyal na kultura at hindi materyal na kultura.



Mga Elemento ng Kultura

 Kung ang mga institusyong panlipunan ay tumutukoy sa mga istruskturang bumubuo sa isang lipunan, ang kultura naman ay tumutukoy sa kahulugan at paraan ng pamumuhay ng mga mamamayan sa isang lipunan.  Naglalarawan ito sa isang lipunan.  Nag-iiba ang paglalarawan ng bawat lipunan batay na rin sa kultura nito.  Binubuo ang kultura ng mga paniniwala (beliefs), pagpapahalaga (values), norms, at simbolo. 
Paniniwala (Beliefs)
Maituturing itong batayan ng pagpapahalaga ng isang grupo o lipunan sa kabuuan.  Nakakaapekto sa mga isyu at hamong panlipunan ang paniniwala ng isang indibiduwal o pangkat ng tao.Halimbawa, ang isang lipunang naniniwala sa pagkakapantay-pantay ng mga tao anoman ang kasarian ay magbibigay ng mga oportunidad para sa pag-unlad ng tao anuman ang kasarian nito.

Pagpapahalaga (Values)

 Ang pagpapahalaga ay hindi maaaring maihiwalay sa paniniwala ng isang lipunan.  Maituturing itong batayan ng isang grupo o ng lipunan sa kabuuan kung ano ang katanggap-tanggap at kung ano ang hindi.  Batayan ito kung ano ang tama at mali, maganda at kung ano ang nararapat at hindi nararapat(Mooney, 2011).Bagama’t may iba’t ibang pagpapahalaga ang bawat lipunan, marami sa pagpapahalaga ay kanilang pinagsasaluhan.  Kapag ang isang situwasyon o gawain ay labag sa mga pagpapahalaga, itinuturing ito na isyu o hamong panlipunan.

Norms

 Tumutukoy ito sa mga asal, kilos, o gawi na binuo at nagsisilbing pamantayan sa isang lipunan.  Ang mga norm ang nagsisilbing batayan ng mga ugali, aksyon, at pakikitungo ng isang indibiduwal sa lipunang kaniyang kinabibilangan. Mauuri ang norms sa folkways at mores.  Ang folkways ay ang pangkalahatang batayan ng kilos ng mga tao sa isang grupo o sa isang lipunan sa kabuuan.  Sa kabilang banda, ang mores ay tumutukoy sa mas mahigpit na batayan ng pagkilos.  Ang paglabag sa mga mores ay magdudulot ng mga legal na parusa (Mooney, 2011).
 Ang kawalan ng batayan ng pagkilos sa isang lipunan ay maaaring magdulot ng kaguluhan.  Halimbawa, ang mga batas trapiko ay inilaan upang magkaroon ng kaayusan at kaligtasan ang mga tao sa lansangan.  Batayan ito ng pagkilos ng mga tao.  Ang hindi pagsunod sa mga batas na ito ay may kaukulang kaparusahan.  

Simbolo(Symbols)      

 Ang simbolo ay ang paglalapat ng kahulugan sa isang bagay ng mga taong gumagamit dito. (White, 1949)  Kung walang simbolo, walang magaganap na komunikasyon at hindi rin magiging posible ang interaksiyon ng mga tao sa lipunan.  Ang mga halimbawa ng simbolo ay wika, mga pagkumpas (gestures), at iba pang  bagay na nauunawan ng mga miyembro ng isang lipunan.Halimbawa, isang gawi ng mga Pilipino ang pagmamano.  Ang gawing ito ay sumisimbolo sa isang paraan ng pagpapakita ng paggalang ng mga Pilipino sa mga nakatatanda.   
Previous
Previous

Mga Suliraning at Hamon Pangkapaligiran

Next
Next

Ang Istrukturang Panlipunan at Kultura