KAKAPUSAN AT PALATANDAAN NITO
Sa ekonomiks, pinaniniwalaan na ang
bawat ekonomiya ay nakararanas ng kakapusan sa pinagkukunang
yaman.
Hindi ipinapahiwatig ng kakapusan na ang
kahirapan ay umiiral lamang sa ekonomiya na salat sa pinagkukunang yaman. Sa
katunayan, may mahihirap na tao sa isang ekonomiya kahit na mayaman ang bansa
sa pinagkukunang yaman. Sumakatuwid, hind inaalintana sa kakapusan ang pisikal na
dami ng pinagkukunang-yaman. Mas nabibigyang-diin sa konsepto nito ang paraan
kung bakit hindi nakatugon ang pinagkukunang-yaman sa pangangailangan at
kagustuhan ng tao.
Halimbawa, ang isang bansa ay masasabing
mayaman sa mga dagat at ilog. Inaasahan na isa sa mga pangunahing gawaing
pang-ekonomiya nito ang pangingisda. Inaasahan din na isda ang pangunahing
produkto at pagkain ditto. Ngunit sa pagdaan ng panahon, maaaring marami sa
ilog at dagat ang nangamamatay dahil sa polusyon. Maaasahan na bababa ang
produksiyon ng isda. Marami sa umaasa sa pangingisda ay bababa rin ang kita.
Ang umaasa sa isda bilang pagkain ay mahihirapang humanap ng pamalit dito.
Sa Yamang Likas
Bagama’t ang Pilipinas ay sagana sa
likas na yaman, ang hindi wastong paggamit nito ay magdudulot ng kakapusan.
Halimabawa, ang walang tigil na pagputol
ng mga puno ay magiging dahilan upang unti-unti ay maubos ang kagubatan
at wala nang maiiwan sa susunod na henerasyon. Ang limitadong pinagkukunang-yaman
ay hindi sapat sa lumalaking populasyon na may maraming pangangailangan. Bunga
nito, mahalagang isaalang-alang ang pinakamataas na kapakinabangan na makakamit
ng tao sa bawat paggamit ng yamang likas.
Sa Yamang Tao
Ang pangunahing indikasyon ng kakapusan
sa yamang tao ay ang haba ng kanyang buhay. Ngunit sa kasalukuyan, ang
karaniwang naaabot na edad ng tao ay 70 taon. Sa katunayan, kabilang ang edad
ng tao sa batayan ng pag-unlad. Ang panukat ay tinatawag na longevity. Ang dami
(magnitude o size) at antas ng paglago (growth rate) ng populasyon sa bansa ay
isa pang indikasyon.
Nagaganap sa ilang mauunlad na ekonomiya
(developed economies) tulad ng Canada, Japan, Great Britain, New Zealand, at
United States ang isang halimbawa ng kakapusan sa yamang tao. May mga
pagkakataon na ang mga nabanggit na developed countries ay umaangkat ng paggawa
mula sa ilang bansa.
Sa Yamang Kapital
Isa sa mga dahilan ng kakapusan ng
yamang capital ay ang kawalan ng teknolohiya o kaalaman na kailangan upang
itaas ang productivity nito. Malaki ang nagagawa ng teknolohiya upang mapigilan
ang mabilis na pagkaubos ng mga pinagkukunang yaman. Halimbawa nito ay ang
paggamit ng geothermal energy upang maiwasan ang pagiging palaasa sa langis.
Ang kawalan ng mga investment ay isa ring dahilan ng kakapusan ng yamang capital.
Kailangan ng bansa ang mga papasok na puhunan upang makatulong sa produksiyon
ng bansa.
Iba pang Kinikilalang
Pinagkukunang-yaman
Espasyo. Ang konsepto ng espasyo sa ekonomiks ay ang bawa’t detalye ng lugar
o lokasyon na nakakaapekto sa pagdedesisyon ng tao. Ang rehiyon ay isang
espasyo. Ang pagitan ng isang tindahan mula sa bahay ay espasyo. Ang
pagsasama-sama ng mga negosyo sa isang pook ay espasyo.
Impormasyon. Ang konsepto ng impormasyon ay tumutukoy sa mga kaalaman na
mahalaga upang makalikha ang tao ng matalinong desisyon. Ang impormasyon ay
maaring tumukoy sa dahilan ng pagtangkilik ng tao sa produkto ng
kakopetensiyang bahay kalakal
Oras. Ang konsepto ng oras sa ekonomiks ay tumutukoy sa panahon na
nagugugol sa pagsasagawa at pagpapatibay ng desisyon ng tao. Ang oras na
tinutukoy ay maaring 10 segundo, limang oras, o 20 taon. May kakapusan sa oras
dahil hindi na ito maibabalik kapag ito ay lumipas na. Maaaring magsimula ang
isang bagong araw o taon, ngunit hindi na maibabalik yong lumipas na.
