Ano ang mga Isyung Personal at mga Isyung Panlipunan
Ano nga ba ang kaibahan ng isyung personal at isyung panlipunan? Ang
mga isyung personal ay sinasabing nagaganap sa pagitan ng isang tao at ilang
malalapit sa kanya. Ang solusyon sa isang isyung personal ay nasa kamay ng
indibiduwal. Maituturing ang isyung ito na pribadong bagay na nararapat
solusyunan sa pribadong paraan. Samantala ang isyung panlipunan ay isang
pampublikong bagay. Karaniwang kaugnay ito ng krisis o suliranin sa mga
institusyong panlipunan. Mga suliranin ito na nakakaapekto hindi lamang sa
isang tao kundi sa lipunan sa kabuuan.
Mahalagang malaman mo na sa kabila ng pagkakaiba ng isyung
personal at isyung panlipunan, ang dalawang ito ay magkaugnay. Isang
halimbawa nito ay ang mga hamon at isyung pangkapaligiran. Ang makalat na
bakuran ay isang halimbawa ng isyung personal subalit kung ang isang barangay o bayan ay magiging makalat dulot ng kawalan ng maayos na sistema ng pagtatapon ng basura, ito ay maituturing na isyung panlipunan. Idagdag pa ito ang masamang epekto sa kalusugan at ekonomiya ng isang lugar kung ito ay mabaho, makalat, at walang maayos na sistema ng pagtatapon ng basura. Mayroon ding mga isyu na may kaugnayan sa ekonomiya. Isang magandang halimbawang ibinigay ni C. Wright Mills (1959) ng pagkakaiba ng isyung personal at isyung panlipunan ay tungkol sa kawalan ng trabaho. Kung sa isang komunidad na may 100 000 mamamayang maaaring maghanapbuhay ay may isang walang trabaho, maaring ituring ito bilang isang isyung personal. Subalit kung sa isang lipunang mayroong 50 milyong tao at 15 milyon sa mga ito ay walang trabaho, maaari itong ituring na “isyung panlipunan” Sa malalim na pagtingin, maaaring maging kon klusyon na may kakulangan sa lipunan o istruktura nito na nagdudulot ng kawalan ng trabaho ng maraming mamamayan dito. 28 Mayroon din namang ilang pangyayari na maituturing na isyung panlipunan subalit makikita ang epekto sa personal na buhay ng isang tao. Ang mga digmaan ay maituturing na isyung panlipunan subalit hindi maikakaila ang epekto nito maging sa personal na buhay ng mga tao sa lipunang puno ng kaguluhan at karahasan. Gamit ang kasanayan na Sociological Imagination, bilang bahagi ng lipunang iyong ginagalawan, mahalagang maunawaan mo na ang mga personal na isyung nararanasan mo ay may kaugnayan sa isyu at hamong panlipunan. Hindi rin maikakaila na mayroon kang mahalagang papel na gagampanan sa pagtugon sa mga isyu at hamong kinahaharap ng lipunan sa kasalukuyan.