ANG SEKTOR NG PAGLILINGKOD

Sinasabing ang kaunlarang pang-ekonomiya ay nasasalamin sa paglawak at pag-unlad ng kakayahan ng mga
kasapi sa lipunan na lumilikha ng iba’t ibang kalakal at paglilingkod na tumutugon sa pangangailangan ng tao. Ang pagdami ng kalakal at paglilingkod sa lipunan ay hudyat na ang mga tao ay makalilikha ng produktong hindi lamang para sa pangkasalukuyang gamit bagkus ay para na rin sa hinaharap. 
Kaalinsabay ng kaunlarang pang-ekonomiya ay ang karagdagang pangangailangan para sa mga taong bumubuo sa sektor ng paglilingkod. Ito ang sektor na nagbibigay-paglilingkod sa transportasyon, komunikasyon, media, pangangalakal, pananalapi, paglilingkod mula sa pamahalaan, at turismo. Ito rin ang sektor na umaalalay sa buong yugto ng produksiyon,
distribusyon, kalakalan, at pagkonsumo ng mga produkto sa loob o labas ng bansa. Kilala rin ito bilang tersarya o ikatlong sektor ng ekonomiya matapos ang agrikultura at industriya.
Sa ekonomiya ng isang bansa, hindi lamang mga produkto tulad ng mga damit, kasangkapan, gamot, at pagkain ang pinagkakagastusan at kinokonsumo ng mga mamamayan. May mga pangangangailangan din sila bukod sa mga produktong agrikultural at industriyal. Ang sektor ng paglilingkod ay binubuo ng sub-sektor sa pananalapi, insurance, komersiyo, real estate, kalakalang pakyawan at pagtitingi, transportasyon, pag-iimbak, komunikasyon, at mga paglilingkod na pampamayanan, panlipunan, at personal. Ang mga sektor na nabanggit ay may mahalagang papel sa kabuuang ekonomiya ng bansa. Importante ang sektor ng kalakalan ng pagtitingi (retail) at pamamakyaw (wholesale) upang tiyaking makarating sa mga mamimili ang mga produkto mula sa sakahan o pagawaan. Malaki rin ang naiaambag ng sektor ng paglilingkod sa GDP ng Pilipinas. Kapansin-pansin din ang patuloy na pagtaas ng porsiyento ng paglago ng sektor ng paglilingkod sa Pilipinas na nagkaroon lamang ng bahagyang pagbaba noong 2001.
Isa sa mga kilalang nakatutulong sa ekonomiya ngayon ay ang paglakas ng business process outsourcing lalo na ang call center companies na nagkakaloob ng trabaho sa maraming Pilipino. Sa pangkalahatan, ang paglilingkod ay ang pagbibigay ng paglilingkod sa halip na bumuo ng produkto. Ang pormal na industriyang bumubuo sa sektor ng paglilingkod ay ang sumusunod:

•       Transportasyon,komunikasyon, at mga Imbakan – binubuo ito ng mga paglilingkod na nagmumula sa pagbibigay ng publikong sakayan, mga paglilingkod ng telepono, at mga pinapaupahang bodega.
•       Kalakalan – mga gawaing may kaugnayan sa pagpapalitan ng iba’t-ibang produkto at paglilingkod.
•       Pananalapi – kabilang ang mga paglilingkod na binibigay ng iba’t ibang institusyong pampinansiyal tulad ng mga bangko, bahay-sanglaan, remittance agency, foreign exchange dealers at iba pa.
•       Paupahang bahayat Real Estate– mga paupahan tulad ng mga apartment, mga developer ng subdivision, town house, at condominium. 
•       Paglilingkod ngPampribado – lahat ng mga paglilingkod na nagmumula sa pribadong sektor ay kabilang dito.
•       Paglilingkod ngPampubliko – lahat ng paglilingkod na ipinagkakaloob ng pamahalaan.
Sa mga nakalipas na kasaysayan ng tao sa mundo, ipinapakita rito ang malaking pagbabago sa paraan ng pamumuhay ng mga lipunan mula sa pangangaso at pangangalap ng pagkain sa kapaligiran at ekonomiyang agrikultural patungo sa ekonomiyang industriyal. Dahil sa pagbabagong ito, lumawak ang pangangailangan at kagustuhan ng tao para sa paglilingkod. Ang pagkakaroon ng espesyalisasyon sa paggawa sa iba’t ibang larangan ang nagturo ng landas para sa efficient na paraan ng pagbibigay ng paglilingkod sa mga tao. Sa tila napakabilis na takbo ng panahon, kailangang umagapay ang tao sa pagbabago sa kanyang kapaligiran. Maraming gawain ang mga tao ang hindi nila matugunan sa sarili lamang kaya’t malaking tulong ang paghahatid ng iba’t ibang paglilingkod mula sa iba.
Previous
Previous

Ang mga Manggagawang Pilipino sa Sektor ng Paglilingkod

Next
Next

Ugnayan ng Sektor ng Agrikultura at Industriya