Ang mga Manggagawang Pilipino sa Sektor ng Paglilingkod


Ang mga manggagawang Pilipino na kabilang sa sektor ng paglilingkod ay hindi pahuhuli sa nasabing larangan. Taglay nila ang mataas na antas na katangian ng isang mahusay na tagapaglingkod. Sila ay masipag, malikhain, matiyaga, at nakatutulong nang malaki upang umangat sa larangang ito. Sa akdang A Moral Recovery Program: Building a People-Building a Nation ni Patricia Licuanan, inilahad na ang pagiging malikhain, at mapamaraan ng mga Pilipino ay naipakikita sa kanilang kakayahang iangkop ang kanilang pamumuhay saan mang panig ng mundo. Bukod pa rito, ang kanilang pagiging bukas at handa sa pagkatuto sa iba’t ibang kasanayan ang isa pa sa mga katangian ng mga Pilipino na labis na hinahangaan, hindi lamang dito sa loob ng bansa kundi lalo’t higit pa sa ibang panig ng mundo.Ang matinding pagmamahal ng mga Pilipino sa kanilang pamilya kung saan kabilang hindi lamang ang kanilang mga anak at asawa kundi maging sa kanilang mga lolo, lola, tiyuhin, tiyahin, pinsan, at mga pamangkin ang nagtutulak sa kanilang harapin ang anumang pagsubok alang-alang sa kanila. Ang pagmamalasakit ng mga manggagawang Pilipino sa kanilang pamilya ang nagtutulak sa kanila na pumunta sa ibang bansa upang doon magtrabaho. Sa katunayan, ayon sa pinakahuling datos ng National Statistical Coordination Board (NSCB) mahigit 2.04 milyong Overseas Filipino Workers (OFWs) o tinatayang 2% ng kabuuang populasyon ng Pilipinas ang umalis ng bansa noong taong 2010 para magtrabaho.
 
Previous
Previous

Batas para sa mga Karapatan ng Manggagawa

Next
Next

ANG SEKTOR NG PAGLILINGKOD