PAGKAKAIBA NG GROSS NATIONAL INCOME (GNI) SA GROSS DOMESTIC PRODUCT (GDP)
Sinusukat sa pamamagitan ng Gross National Income ang kabuuang pampamilihang
halaga ng lahat ng nabuong produkto at serbisyo na ginawa sa loob ng itinakdang panahon.
Mga mamamayan ng bansa ang nagmamay-ari ng mga salik ng produksiyong ito kahit
saang bahagi ng daigdig ito ginawa. Ang Gross Domestic Product naman ay sumusukat sa
loob ng isang takdang panahon sa loob ng isang bansa. Ibig sabihin, lahat ng mga salik ng
produksiyong ginamit upang mabuo ang produkto at serbisyo maging ito ay pagmamay-ari
ng mga dayuhan na matatagpuan sa loob ng bansa ay kasama dito. Halimbawa, ang kita
ng mga dayuhang hinango sa loob ng Pilipinas ay kabilang sa pagsukat ng Gross Domestic
Product ng bansa dahil nabuo ito sa loob ng ating bansa. Hindi naman ibinibilang sa Gross
National Income ng ating bansa ang kinita ng mga nabanggit na dayuhan dahil hindi naman
sila mga mamamayan ng bansa. Sa kabilang banda, ang kinita ng mga dayuhang ito sa
Pilipinas ay isinasama sa pagkuwenta ng Gross National Income ng kanilang bansa.
Halimbawa, ang kinita ng mga Overseas Filipino Workers na nagtatrabaho sa Singapore ay
ibinibilang sa pagkuwenta ng Gross Domestic Income ng Singapore ngunit hindi kabilang sa
Gross National Income ng bansang ito. Sa halip, ang kinita ng mga naturang OFW ay
binibilang sa Gross National Income ng Pilipinas.
