Epekto ng Industriyalisasyon

Ang kaugnayan ng industriyalisasyon sa kaunlaran, ayon sa mga ekonomistang tulad nina Adam Smith (1776), Marx, Engels (1848) at John Willamson (1990), ang patuloy na motibasyon ng maraming bansa na mapataas ang produksiyon ng sektor ng ekonomiya. Ngunit ayon din sa kanila, sa kabila ng mga benepisyo na dala ng industriyalisasyon sa buhay ng mga mamamayan, marapat na makita rin ang epekto nito. Mangangailangan ng kritikal na pag-unawa at pagninilay upang mapagtimbang ang kahalagahan at epekto ng industriyalisasyon at ang pangmatagalang implikasyon nito sa lipunan at sa bawat isa.

Ayon sa mga ekonomistang nabanggit sa itaas, ang industriyalisasyon ay nakapagdudulot ng mataas na antas ng polusyon, hindi pagkakapantay ng kalagayang pang-ekonomiko, at ang pagbaba ng pagkakaisa sa mga miyembro ng komunidad dahil sa paglakas ng kumpetisyon. Nabanggit din sa batayang aklat na isinulat nina Balitao et al. (2012) na ang polusyon at pagkasira ng kapaligiran ay masyadong mabilis dulot ng industriyalisasyon. Samantala, batay naman kay Williamson (1999), na binanggit sa dyornal nina Federman at Levine (2005), ang industriyalisasyon ay maaari ding maging dahilan upang bumaba ang bilang ng mga mag-aaral sa paaralan dahil nahihikayat silang magtrabaho sa halip na tapusin ang kanilang pag-aaral.

Dahil dito, inaasahang maging mapanuri at matalino ang pamahalaan. Totoong maraming benepisyo kapag nakamit ng bansa ang kalagayang industriyal na karaniwang nakaugnay sa kaunlaran. Subalit, nangangailangan ding maunawaan at makilala ang mga negatibong epekto nito, higit kung ang isang bansa ay may kahinaan sa mga regulasyon na ipinatutupad. Tandaang ang pamahalaan ay may responsibilidad na pangalagaan ang limitadong likas na yaman ng bansa upang masiguro na maiingatan ang mga ito. Gayundin naman, dapat na maikintal sa mga mamamayan na ang bawat isa ay katuwang ng pamahalaan sa pagtataguyod at pagiingat ng ating yamang likas dahil kapag napabayaan, maaaring wala nang magamit pa ang susunod na henerasyon ng mga Pilipino.
Previous
Previous

Ugnayan ng Sektor ng Agrikultura at Industriya

Next
Next

Kahalagahan ng Sektor ng Industriya