Ebolusyong Biyolohikal

CHARLES DARWIN AT ANG TEORYA NG EBOLUSYON
Dalawa ang pangunahing paniniwala sa pinagmulan ng tao. Sa unang paniniwala, nilikha ng makapangyarihang nilalang ang tao tulad kina Adan at Eba na matutunghayan sa Bibliya sa libro ng Genesis, at sa kultura natin, si Malakas at Maganda. Samantala, pinaniniwaan din na ang tao ay umusbong matapos ang matagal na proseso ng ebolusyon ng tao.
Bagamat hindi si Charles Darwin ang nagpasimula ng teorya ng ebolusyon ng hayop at halaman kundi ang iba pang mas naunang siyentista ng Europa, lalong naging popular ang teorya ng ebolusyon noong ika-19 na siglo dahil sa mga isinulat ni Darwin.
Mula sa isang mayamang pamilya sa England, nagkaroon pagkakataon si darwin na maikot ang daigdig sa loob ng limang taon. Pinag-aralan ni Darwin ang geology ng mga lugar na napuntahan niya, at kumolekta ng maraming specimen ng hayop at halaman at iba pang mga fossil. Mula sa mga natipong datos, sumulat kalaunan si Darwin ng maraming libro. Pinakasikat sa mga sinulat ni Darwin ay ang On the Origin of Species by Means of Natural Selection noong 1859. Ipinaliwanag ni Darwin dito na ang
iba't ibang uri ng organismo sa mundo ay may species na dumaan sa proseso ng pagbabago mula sa sinaunang porma nito sa iba't ibang dahilan. Ang species na sumailalim sa pagbabago upang umakma sa kondisyon ng kapaligiran ang siyang patuloy na dumami at nanatili. Samantalang ang mga species na hindi nagbago o hindi umangkop sa bagong kondisyon ng kapaligiliran ay kaunti na lamang ang maisisilang at sa susunod na henerasyon ay unti-unting mawawala. Tinawag niya ang mekanismong ito bilang proseso ng natural selection. Tinalakay naman ni Darwin ang implikasyon ng natural selection sa kasaysayan ng tao sa mga sumunod na akda niya. Ito ay ang The Descent of Man na nailimbag noong 1871 at Expression of the Emotions in Man and Animals na nailimbag noong 1872.
May mga nakumbinsi sa isinulat ni Darwin. Ngunit may mag tumuligsa rin sa kanya. Nakumbinsi ang marami sa mahusay niyang paglalahad at matibay na pagpapaliwanag. Sinuportahan ni Darwin ang kanyang teorya ng mga ebedensiya ng pagbabago sa hayop at halaman.
Previous
Previous

Ang Asya sa Sinaunang Panahon: Kanlurang Asya

Next
Next

Ang Yamang Tao ng Asya