ANO ANG MGA ALOKASYON SA IBA’T IBANG SISTEMANG PANG-EKONOMIYA. Araling Panlipunan 10

Sa market economy, ang gumagawa ng pagpapasya ay mga tao sa pamamagitan ng pamilihan. Sa command
economy naman, ang pagpapasya ay nasa kamay ng pamahalaan sa pamamagitan ng malawakang pagpaplano.

Tradisyonal na Ekonomiya
Ang pinakaunang anyo ng sistemang pang-ekonomiya ay ang tradisyonal na ekonomiya. Ito ay nakabatay sa tradisyon, kultura, at paniniwala. Ang tanong kung ano ang lilikhaing produkto ay hindi mahirap sagutin sapagkat ang pangangailangan ng tao ay umiikot lamang sa pangunahing pangangailangan tulad ng damit, pagkain, at tirahan. Maging ang suliranin kung paano lilikha ng produkto ay simple lamang na tinutugunan. Ang mga pagkain ay ibinibigay ng kalalakihang nangangaso at kababaihang nagtatanim o nangunguha ng bungangkahoy.

Sa tradisyonal na ekonomiya, bagama’t walang tiyak na batas ukol sa alokasyon, may maliwanag na pagkakaunawa ang mga tao sa paraan nito. Halimbawa, ang mga kalalakihan ang namamahala sa sandata tulad ng sibat, samantalang ang kababaihan ang humahawak ng kagamitan sa pananahi. Ang anumang produkto na kanilang malilikha ay ipamamahagi ayon sa kanilang pangangailangan at kung sino ang dapat gumamit.
Market Economy
Sa market economy, ang produksiyon atdistribusyon ng mga produkto at serbisyo ay nagaganap sa mekanismo ng malayang pamilihan na ginagabayan ng isang sistema ng malayang pagtatakda ng halaga. Sa ganitong sistema, ang bawat kalahok ay kumikilos alinsunod sa kanyang pansariling interes. Ang mga nasa laks-paggawa ay maaring makapamili ng kanilang nais na pasukang trabaho. Ang bawat mag-anak ay may kalayaang makabili ng produkto batay sa salapi nito. Ang bawat bahay kalakal ay nagpapasya kung ano-anong produkto ang dapat likhain, anong paraan ang dapat gamitin, at kanino ibebenta ang mga nalikhang produkto. Ang lahat ay malayang nakapapasok sa anumang linya ng produksiyon.
Ang market economy ay nagpapahintulot sa pribadong pag-aari ng capital, pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng presyo, at pangangasiwa ng mga gawaing pang-ekonomiya sa pamamagitan ng pamilihan. Ang mga kalakal at serbisyo ay nililikha ng mga taong handang gawin at kayang isakatuparan ito. Binibili ang mga kalakal at serbisyo ng sinumang handang bumili sa mga ito. Sa ganitong paraan, nagkakaroon ng kompetisyon sa pagitan ng mga mamimili at ng mga nagtitinda.

Command Economy
Sa command economy, ang ekonomiya aynasa ilalim ng komprehensibong control at regulasyon ng pamahalaan. Ang pagkontrol ay alinsunod sa planong nauukol sa pagsusulong ng ekonomiya. Sinasabing ang ganitong sistema ay taliwas sa sistemang market economy sapagkat sa huli, ang produksiyon, distribusyon, at pagtatakda ng halaga ay hinahayaang maresolba ng mga puwersa sa loob ng pamilihan. Sa kabilang dako, sa command economy, ang pamahalaan ay may kapangyarihan gamitin nang husto ang lupa, paggawa, at capital upang makamit ang layuning pang-ekonomiya nito.
Pamahalaan ang pangunahing nagmamay-ari ng karamihan sa mga pinagkukunang-yaman sa command economy. Sa pangkalahatan, ang ekonomiya ay pinangangasiwaan ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga sentralisadong ahensya na nagpaplano. Pamahalaan din ang nagmamay-ari ng karamihan sa mga bahay-kalakal at lumilikha ng mga produkto at serbisyo alinsunod sa plano. Ang mga lupang sakahan, pabrika, bangko, pamilihan, at iba pang establisimyentong pangkabuhayan ay pinamamahalaan ng mga empleado ng pamahalaan alinsunod sa direktiba mula sa nakatataas.
Sa command economy, kadalasang nagtatakda ang pamahalaan ng mga tinatawag na limang-taong plano o five-year plan. Ito ang plano na pinamamahalaan ng central authority sa Soviet Union at China upang matukoy ang inaasahang produksyon sa hinaharap.

Mixed Economy
Ang mixed economy ay isang sistema nakinapapalooban ng element ng market economy at command economy. Walang maituturing na isang kahulugan ang mixed economy. Ngunit ito ay kinapapalooban ng kaugnay na katangian ng dalawang sistema tulad ng malayang pakikilahok sa mga gawaing pangkabuhayan na pinapahintulutan ng pamahalaan at pagkontrol ng pamahalaan sa ilang korporasyon. Ang terminong mixed economy ay nabuo upang tukuyin ang sistema kung saan ang katangian nito ay kombinasyon ng command economy at market economy. Hinahayaan ditto ang malayang pagkilos ng pamilihan subalit ang pamahalaan ay maaaring manghimasok dahil sa mga usaping nauukol sa pangangalaga ng kalikasan, hustisyang panlipunan, o pagmamay-ari ng estado. May pribadong pagmamay-ari sa mga salik ng produksiyon, imprastruktura, at mga institusyon. Gayumpaman, maaari ring maging pag-aari ang mga ito ng pamahalaan. Ang sistema ay nagpapahintulot din na makagawa ng mga pribadong pagpapasya ang mga kompanya at indibidwal ukol sa pananalapi.


Previous
Previous

IMPLEMENTATION OF THE FOURTH TRANCHE COMPENSATION ADJUSTMENT FOR CIVILIAN PERSONNEL IN THE NATIONAL GOVERNMENT

Next
Next

What is Parent and Parenting