Ano Ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Framework
Nakabatay ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management
Act of 2010 sa dalawang pangunahing layunin: (1) Ang hamon na dulot ng mga
kalamidad at hazard ay dapat pagplanuhan at hindi lamang haharapin sa
panahon ng pagsapit ng iba’t ibang kalamidad; at (2) Mahalaga ang bahaging
ginagampanan ng pamahalaan upang mabawasan ang pinsala at panganib na
dulot ng iba’t ibang kalamidad at hazard. Ang mga nabanggit na layunin ay
kasama sa mga naging batayan sa pagbuo ng Philippine Disaster Risk
Reduction and Management Framework (PDRRMF).
Binibigyang diin ng National Disaster Risk Reduction Framework ang
pagiging handang bansa at mga komunidad sa panahon ng mga kalamidad at hazard. Sa pamamagitan nito, ang pinsala sa buhay at ari-arian ay maaaring mapababa o maiwasan. Isinusulong din ng PDRRM Framework ang kaisipan na ang paglutas sa mga suliranin at hamong pangkapaligiran ay hindi lamang tungkulin ng ating pamahalaan. Ang proseso sa pagbuo ng isang disaster management plan ay dapat na produkto ng pagkakaisa at pagtutulungan ng iba’t ibang sektor ng lipunan tulad ng pamahalaan, private sector, business sector, Nongovernmental Organizations (NGOs), at higit sa lahat ng mga mamamayang naninirahan sa isang partikular na komunidad. Ang ganitong proseso ay tinatawag na Community Based-Disaster and Risk Management (CBDRM). Sa kasalukuyan, isinusulong rin ng NDRRMC ang Community BasedDisaster and Risk Management Approach sa pagbuo ng mga plano at polisiya sa pagharap sa mga suliranin at hamong pangkapaligiran.