Kahalagahan ng Agrikultura

Mahalagang mapagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang lahat ng sektor, partikular ang agrikultura sapagkat dito nagmumula ang mga pagkain na tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan.
Dahil dito, ang agrikulura ay nararapat na bigyang-pansin upang mapalakas at maging katuwang ng pamahalaan sa pagkakamit ng kaunlaran ayon sa sumusunod na kahalagahan:
1.    Ang agrikultura ay pangunahing pinagmumulanng pagkain. Ang lupain ng Pilipinas ay akma na tamnan ng mga produktong tulad ng palay, mais, tubo, patatas, at iba pa. Mayroon ding inaaning mga prutas tulad ng mangga, pinya, kopra, at saging. Mainam din ang temperatura dito bilang lokasyon sa pag aalaga ng mga hayop na ginagamit sa mga pang-araw-araw na pangangailangan ng mga tao. Mayroon
ding sapat na mapagkukunan ng mga pagkaing mula sa katubigan. Ang agrikultura ay isang napakahalagang sektor sa bansa dahil ito ang pinagmumulan ng mga pagkain ng mamamayan.
2.    Pinagkukunan ng materyal para makabuo ngbagong produkto. Nagmumula sa sektor na ito ang mga hilaw na sangkap mula sa kagubatan, kabukiran, at karagatan na maaaring gamitin sa produksiyon. Halimbawa, ang puno na pinagmumulan ng goma ay gamit para sa paggawa ng gulong; bulak at halamang mayaman sa hibla para sa tela at sinulid; kahoy para sa mga muwebles; at dahon at ugat para sa pagkain, kemikal, o gamot.
3.    Pinagkukunan ng kitang panlabas. Isang mahalagang pinagkukunan ng dolyar ng Pilipinas ay mula sa mga produktong agrikultural na naibebenta sa pandaigdigang pamilihan.Kabilang sa mga iniluluwas ng bansa na pinagmumulan ng kitang dolyar ang kopra, hipon, prutas, abaka, at iba pang mga hilaw na sangkap na ginagamit sa pagbuo ng iba’t ibang produkto.
4.    Pangunahing nagbibigay ng trabaho sa mgaPilipino. Ayon sa National Statistics Office (NSO) para sa taong 2012, 32% ng mga Pilipinong may trabaho ay nabibilang sa sektor ng agrikultura. Karaniwan silang nagtatrabaho bilang mga magsasaka, mangingisda, minero, o tagapagalaga sa paghahayupan.
5.    Pinagkukunan ng Sobrang Manggagawa mula saSektor Agrikultural patungo sa Sektor ng Industriya at Paglilingkod. Sa patuloy na pagunlad ng teknolohiya na ginagamit sa agrikultura at ang patuloy na pagliit ng lupa para sa pagtatanim dahil sa paglaki ng populasyon, ang mga sobrang manggagawa ay pinakikinabangan ng sektor ng industriya at paglilingkod batay sa laki ng demand sa mga ito.
Sa pangkalahatan, ipinakikita nito na ang sektor ng agrikultura ay isang mahalagang tagapagtaguyod ng ekonomiya ng bansa. Katuwang ito ng pamahalaan sa pagpapalakas at pagtugon sa mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan mula sa mga pagkain hanggang sa mga sangkap ng produksiyon. Ang kasiguraduhang sapat ang kalakasang pisikal at kasaganaan sa bawat tahanan ay maaaring may positibong epekto sa isang bansa. Samantala, kung hihigit sa pangangailangan ng bayan ang magagawa, maaari itong maging mga produkto na ikakalakal sa labas ng bansa. Sa gayon, ang sektor ay magiging isang matibay na sandigan ng bayan upang makamit ang inaasam nitong kaunlaran.

Previous
Previous

Ano ang mga Suliranin sa Sektor ng Agrikultura

Next
Next

Ang Sektor ng Agrikultura